Tatak
ni Mary Joy Villaram
Nasa harap ng barangay hall si Jomar, hawak ang walis, hindi ang cellphone.
“Ang kabataan raw ang pag-asa ng bayan,” bulong ni Kap. “Puro kayo post sa
Facebook.”
Ngumiti si Jomar. “Kaya nga po kami nagwawalis, Kap.”
Sa likuran niya, dalawampung kabataan—mga kasapi ng Sangguniang Kabataan
(SK), out-of-school youth, at mga estudyante—ang nagpipintura ng pader,
nagtatanim ng mga bakawan, at nagtuturo sa mga bata na magbasa.
Walang bayad. Walang proyektong pinondohan ng pulitiko. Mayroon lamang
silang group chat (GC) na pinangalanang “Tayo Na.”
Isang matanda ang lumapit. “Anak, bakit mo ginagawa iyan? Wala ka namang
mapapala.”
Tumingin si Jomar sa malinis na kanal na dati'y puno ng basura. “Mayroon po.
Hindi na babahain ang bahay ninyo tuwing umuulan.”
Noon naunawaan ni Kap. Hindi hinihintay ang responsibilidad; kusang
ginagampanan ito.
Limang Minuto
Albert Parubrub
Tuwing gabi, magkatabi man kami ng
aking kapatid, tila magkalayo naman ang aming mundo. Abala siya sa panonood ng
TikTok, samantalang ako nama'y naglalaro ng Mobile Legends.
“Kain na!” tawag ni Mama.
Sabay kaming sumagot ng aking
kapatid, “Wait lang, Ma!”
Isang gabi, biglang nasira ang
router.
“Aba, walang internet!” sigaw ng
aking kapatid.
Nagkatinginan kaming tatlo.
Natahimik ang lahat.
“Ma, ikuwento mo nga ulit ang
nangyari noong dinaanan kayo ng bagyo,” bigla kong naitanong.
Napangiti si Mama at nagsimulang
magkuwento. “Naku, basang-basa kami noon…”
Hanggang hatinggabi, nagkuwentuhan
at nagtawanan kaming tatlo. Napag-usapan namin ang paborito naming ulam,
nagbiruan, at nagbalik ang dating sigla ng aming samahan.
Bago kumain, pinatay muna ng aking
kapatid ang mobile data niya.
“Limang minuto lang, Ma. Magkuwento
ka muna,” sabi niya.
Hindi na nagreklamo si Mama. Sa
halip, napangiti siya.
Simula noon, ang limang minuto ay
naging isang oras.