Sa ating Punong Tapagapamanihala ng mga paaralan sa Dibisyon ng Occidental Mindoro, Sir Roger F. Capa, sa ating punong-guro, Ma’am Jocelyn Mago, sa mga guro at sa mga magulang lalong higit sa mga kabataang magsisipagtapos, isang magandang araw sa ating lahat.
Minsan din akong naupo harap na gaya ninyo. Tinitingala ang mga respetadong personalidad na nasa itaas ng entablo. Subalit gaya n’yo ay bumuo rin ako ng aking pangarap. Pangarap na abot-kamay ko na ngayon at nilalasap. Tatlong Araw ng Pagtatapos na ang aking napagdaanan bago ko nakamit ang matamis na tagumpay. Subalit sa kabila ng matamis na tagumpay ay ang di makalilimutang mapapait na karanasan na siyang humubog sa aking pangarap na maging isang ganap na guro.
Tila noong una, ang lahat ay pangarap lang. Hindi ako ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig. Natuto akong maghanapbuhay sa ibabaw ng tirik na araw at sa malakas na patak ng ulan sa murang edad na sana ako ay naglalaro kasama ang ibang bata. Naranasan kong magtalok, maggapas ng palay, managraw para lamang may ibaon sa pagpasok sa eskwela. Pinagkakasya ko ang halagang dalawang piso kong baon tuwing recess. Hindi ko ipihahalata sa karamihan na kumukulo pa rin ang aking sikmura. Minsan naiinggit na lang ako sa kanila dahil sa marami silang baon at bakit ako wala? Tumulong ako sa kantina ng paaralan noong nasa elementarya ako na nasa pamamahala ni Ma’am Lily Dagohoy at naambunan naman ng pangmeryenda. Naranasan kong pagalitan ng guro dahil sa mga maling nagawa na akin namang kasalanan. Tinitiis ko ang mahabang lakarin mula sa aming bahay sa bukid patungo sa paaralan. Walang transportasyon kundi ang paglalakad. Hanggang sa natapos ko ang elementarya at sekondarya ng may mga karangalan.
Noong magkokolehiyo na ako ay napagdesisyonan ng aking tatay na kumuha na lamang ng kurso sa TESDA subalit mas pinili kong ituloy ang gusto kong kurso na pagtuturo. Nagsimula ang lahat sa tatlong daang pisong allowance para sa photocopy, pamasahe sa traysikel at pang-ulam sa loob ng isang lingo noong nasa unang taon ko sa kolehiyo. Sobrang paghihigpit ng sinturon ang aking ginawa upang maipagkasya ang aking pera. Nagtiyaga ako sa pagkain ng itlog, noodles, siomai na nabibili sa plasa ng San Jose nang paulit-ulit upang gawing ulam sa umagahan, pananghalian at hapunan para lamang makatipid. Hanggang sa tulong ng ibang tao ay natapos ko ang aking kolehiyo ng may karangalan. Maraming pagsubok ang dumating sa akin at ito ay aking napagtagumpayan sa tulong at awa ng Poong Maykapal. Sa kung ano ako ngayon ay dahil sa mga taong naniwala, nagtiwala sa aking kakayahan at sa mga pagsubok na nagpatibay at humubog sa akin.
Sa mga darating na panahon ay tutungtong na kayo sa panibagong yugto ng inyong buhay. Matuto kayong mangarap at huwag lang basta mangarap. Kailangan gumawa kayo ng paraan para maabot ang pangarap na iyon. Maraming pagsubok ang darating subalit ang mahalaga ang hindi pagsuko at kapag nadapa ay agad bumangon at magpatuloy. Ang kwento ng aking buhay ay gawin ninyong inspirasyon upang ipagpatuloy ang inyong mga pangarap. Suklian ninyo ang lahat ng pagpapagal at sakripisyo ng inyong mga magulang. Laging tandaan na hindi hadlang ang kahirapan upang makamit ang minimithing pangarap sa buhay. Matuto lamang magtiyaga, magpursige at higit sa lahat ay magtipid.
Para sa inyong mga batang nagsipagtapos, mahalin ninyo ang pag-aaral at patuloy na abutin ang inyong mga pangarap. Sa mga guro na narito, isang pagpupugay ang ibinibigay ko sa inyo dahil sa paghubog ninyo sa batang magsisipagtapos ngayon. Maraming salamat Paaralang Elementary ng Magsikap sa pambihirang pagkakataong gaya nito.
Muli, maraming Salamat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento