KABANATA I
Panimula
Ang mga Mangyan ay isang pangkat etniko ng mga Pilipino sa Pilipinas. Ang katawagan sa kanila na Mangyan ay may kaugnayan sa salitang magus at majika dahil may karunungan sila tungkol sa ilang salamangka gaya ng lumay at kulam. Naninirahan sila sa mga liblib na pook ng Mindoro. Itinuturing silang isa sa mga “mahiyaing tribo.” Kayumanggi ang kanilang kulay, itim ang buhok, may maamong mata at katamtaman ang tangkad. May iba’t ibang tribu ng Mangyan. Tinatawag na Hanunuo ang isang grupo ng Mangyan na ang ibig sabihin, sila ang tunay na Mangyan. Kumukuha sila ng ikinabubuhay sa mga kagubatan, pangisdaan at kalakalan sa Mindoro. Sa kasalukuyan, sinauna pang alpabeto ang gamit sa pagsulat ng mga pagpapantig. Ang ambahan ang kanilang natatanging panitikan na kanilang napanatili sa pamamagitan ng pag-ukit nito sa mga kutsilyo, mga kagamitan at sa mga lukas o lalagyan ng nganga. Ang mga Alangan o Mangyan sa hilaga ang purong Mangyan. Mayroon silang tipong Negrito. Sa mga kasukalan ng Mindoro sila nananahanan at kamote ang kanilang pangunahing pagkain.
Pangunahing kasangkapan ng tao ang wika sa pagpapahayag ng kaisipan. Sa anumang anyo ng komunikasyon, malaking papel ang ginagampanan ng wika sa pag-uugnayan ng bawat isa. Nagdudulot ito ng pagkakaunawaan at pagkakaisa na siyang nagbubuklod sa isang pamayanan. Sa pagiging buhay at dinamiko, natutugunan ng wika ang pagganap ng tao sa aspekto ng pakikipagtalastasan.
Malawak ang sinasaklaw ng wikang Filipino. Bukod sa itinuturing na walong pangunahing wika (Tagalog, Bikol, Bisaya, Hiligaynon, Cebuano, Pangasinense, Kapampangan at Ilokano), sakop nito ang lahat ng katutubong wika na sinasalita sa buong kapuluan.
Sa kabila ng pagkakaiba-iba, kakikitaan ang mga ito ng pagkakapareho sa istruktura pagdating sa aspekto ng ponolohiya, morpolohiya, semantika at sintaktika. Isang bentahe para sa patuloy na pagtuklas at paglinang sa wikang Filipino alinsunod sa Saligang Batas ng 1987 Artikulo IV Seksyon VI.
Gayong nagkakaiba-iba, ang isang partikular na wika ay hindi pirming nakakahon sa lugar na pinagbuhatan nito. Sa lalawigan ng Occidental Mindoro, naging implikasyon ng lokasyong heograpikal nito ang migrasyon ng mga tao buhat sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Bagaman karamihan ng naninirahan dito ay mga taal na tagapagsalita ng Tagalog, palasak din sa pulo ang wikang Bisaya.
Kaugnay nito, matatagpuan sa Mindoro ang tribo ng mga Mangyan. Ayon sa tala ng Wikipilipinas, binubuo ito ng walong etnolinggwistikong pangkat ng Alangan, Bangon, Taobuid, Buhid, Hanunuo, Iraya, Ratagnon at Tadyawan.
Napakahalagang magkaroon ng maayos na pag-uugnayan ang mga Mindoreño kasabay ng patuloy na paglinang sa wikang inuusal. Hindi maitatangging Tagalog ang wikang pinakapalasak hindi lamang sa lalawigan kundi maging sa buong bansa. Kaya naman magandang salalayan ito sa pagpapaunlad ng mga katutubong wika. Binanggit sa Wikipedia na may kakayahan ang wikang ito sa pagtutumbas ng mga salitang banyaga lalong higit ang iba pang katutubong wika sa Pilipinas.
Ang pananaliksik na ito ay isinagawa sapagkat nais malaman ng mananaliksik ang pagkakatulad at pagkakaiba ng wikang Hanunuosa wikang Tagalog tungo sa madaling pakikipagtalastasan na mapakikinabangan ng mga mag-aaral ng katutubo.
Paglalahad ng Suliranin
Ang pananaliksik na ito ay inaasahang malaman ang pagkakaiba ng wikang Hanunuo sa wikang tagalog.
- ano ang tawag sa wika ng Hanunuo?
- Ilan ang kanilang alpabeto?
- Ano ang tawag sa kanilang alpabeto?
- Saan nagmula ang kanilang wika?
- Ano-ano ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng wikang Hanunuo at Tagalog?
Haypotesis
Ipinapalagay ng mananaliksik na maroon pagkakaiba at pagkakatulad ang wika ng Hanunuo sa wikang Tagalog.
Kahalagahan ng Pag-aaral
Ang pag-aaral na ito ay mahalaga sa mga sumusunod:
Mga mag-aaral na Hanunuo at Tagalog. Ang pag-aaral na ito ay higit na makatutulong upang magkaroon ng malawak na kaalaman ang mga mag-aaral hinggil sa wikang Hanunuo at Tagalog na kanilang ginagamit sa larangan ng pakikipagtalastasan at edukasyon.
Paaralan. Makatutulong ang pag-aaral sa paaralan sapagkat maaring tumaas ang bilang ng mga katutubong Hanunuo at Tagalog na mag-aaral upang magpapatala sa institusyon dahil sa bukas na kamalayan nito sa wikang Hanunuo -Tagalog bilang sangkap sa kurikulum.
Mga Guro. Malaki ang maiaambag ng pag-aaral na ito sapagkat mas huhusay ang pagtuturo ng guro kung malaman ang pagkakaiba ng wikang hanunuo sa wikang Tagalog na makatutugon sa pag-aaral ng mga mag-aaral.
Sa mga susunod na mananaliksik. Ang pananaliksik na ito ay malaki ang maitutulong sa mga susunod na mananaliksik sapagkat magiging gabay nila ito sa pag-aaral ng kaugnay na kaso. Malaki ang maiaambag nito sa pangangalap nila ng datos at dagdag na kaalaman.
Kahulugan ng mga Talakay
Minarapat ng mga mananaliksik na bigyan ng depinisyon ang mga sumusunod na terminolohiya batay sa paraan ng pagkakagamit sa pananaliksik. Makatutulong ito sa ganap na pag-unawa ng mambabasa sa mga salitang tinalakay.
Hanunuo – isa sa walong tribo ng Mangyan na naninirahan sa Oriental at Occidental Mindoro.
Tinatawag na Hanunuo ang isang grupo ng Mangyan na ang ibig sabihin, sila ang tunay na Mangyan.
Tagalog – pangkat ng mga tao na mayoryang nakatira sa Oriental at Occidental Mindoro.
Ginagamit ang Tagalog bilang lingua franca o “pangkaraniwang wika” (o “tunay na wika”) sa Pilipinas, Isa ang wikang Tagalog sa una at may mataas na uri ng wika sa kapuluang Pilipinas.
Wika – instrumento ng tao sa pakikipagtalastasan. Ang wika ay isang bahagi ng pakikipagtalastasan. Kalipunan ito ng mga simbolo, tunog, at mga kaugnay na bantas upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan.
KABANATA II
KAUGNAY NA PAG-AARAL AT LITERATURA
Inilahad sa kabanatang ito ang mga datos sa nabasang kaugnay na banyaga at lokal na literatura at pag-aaral. Sinikap ng mananaliksik na magbasa ng mga nakalimbag, kumuha ng datos sa internet at pumunta sa tribo ng mangyan na matatagpuan sa Mt. Dalalo, Batasan, Occidental Mindoro.
Kaugnay na Literatura
Mayaman at matatag ang etnolinggwistikang kultura at mga wika na nakapayong sa pambansang hangarin sa pagkabansa. Walang buhay ang wika kung hindi nito binibigyang buhay ang diskurso at kultura ng bansa. Ito ay nagpapakita na may malaking gampanin ang wika sa larangan ng kultura at pagkabansa upang mabigyang halaga ng mga mag-aaral ng iba’t ibang wika na gingamit sa ating bansa (Elizabeth Morales Nuncio at Rhod Nuncio.2009).
Ayon kay Badayos et. Al (2008), ang wika ay siyang tagapag-ugnay at tagapamagitan sa mga tao na bumubuo sa isang tiyak na lipunan. Ipinakikita rito ang papel na ginagampanan ng wika sa pagtugon ng pangangailangan ng bawat indibidwal upang maiparating ang anumang naiisin at mithiin sa buhay sa paraang mabisa at malinaw. Nagagawa ng mga tao na maipahayag ang saloobin sa pamamagitan ng wika.
Mahalaga ang pagkakaroon ng sariling wika upang makilala ang kabihasnan ng isang bansa. Masasalamin dito ang pagkakakilanlan at kultura nito. Isinasaad nga nina Mangahis et. Al (2008), ang wika ay naglalarawan sa kultura ng isang bansa.
Sa kabuuan, mahalagang sangkap ang wika sa komunikasyon at pagkilala sa kulturang umiiral sa isang lugar.
Kaugnay na Pag-aaral
The Hanunoo inhabit southern Mindoro Island, particularly in the towns of Mansalay and San Pedro. Their language is known as Hanunoo-Mangyan, or simply Mangyan. Unlike many other Filipino languages, Hanunoo-Mangyan has a written script, so that many members of the tribe can read and write. Their system of writing is descended from the ancient Sanskrit alphabet. There are 18 characters in the syllabary, three of which are vowels; the remaining 15 are written in combination with the vowels. Hanunoos use a bolo-shaped knife for inscribing on bamboo.
Hanunuo Alphabet
| Type | Syllabic Alphabet |
| Geneology | Brahmi |
| Location | Southeast Asia- The Philippines |
| Time | 14th Century CE to Present |
| Direction | Left to right/ Bottom to top |

Napanatili ng mga Hanunuo ang kanilang minanang katutubong alpabetong Pilipino. Nagsusulat sila sa papel na kawayan. Ang ambahan ay ang kanilang panitikan.
Narito ang halimbawa ng kanilang ambahan.
| Narito ang halimbawa ng tula na isinulat sa kanilang katutubong alpabeto: | Kapag isinalin, ibig sabihin nito’y: |
| Kawayan sa tumalo Kawo no kang itudlo Kawo balaw dumayo Hurok nakaburino Ga panabasan panyo | Kawayan sa sapa; Kung sa iyo’y maipapakita, Magugustuhan mo ang kumikinang-kinang, Magagandang murang labong Animo’y koronang pinutol |
AMBÁHAN (1981, MANGYAN, MINDORO)
Nabanggit ni Fray Ignacio Francico Alcina (1668) ang ambáhan bilang isa sa mga sinaunang anyo ng pagtula ng mga Bisaya. Walang dagdag na impormasyon si Alcina. Ngunit naging popular ngayon ang ambáhan dahil kay Antoon Postma at sa kaniyang saliksik sa buhay at kultura ng Hanunoo Mangyan sa Mindoro. Naglabas pa ng isang aklat na koleksiyon ng mga tulang Mangyan si Postma (muling nalathala 1981). Alinsunod sa paliwanag at mga halimbawang tula, ang ambáhan ay isang katutubong anyo ng pagtula ng mga Hanunoo Mangyan at may sukat na pipituhin ang bawat taludtod. Regular ding may tugma ang bawat dalawang magkasunod na taludtod, bagaman walang tiyak na bilang ng taludtod ang bawat magkakatugmang mga taludtod. Wala ding tiyak na bilang ng mga taludtod. May ambáhang tatlo lámang taludtod ngunit may ambáhang umaabot sa 20 taludtod. Binibigkas/inaawit ang tula para sa isang okasyon, mula sa ganitong halimbawa sa mapagbirong pag-aalaga ng batà:
| Hanunuo | Filipino |
| Kaw danga maglumi Kita madnugan kuti Kuti gin sa siyangi Mag-ingaw magyangyangi Kita ud may ibawi Kantam bangkaw nabari Kita utak nalumbi. | Huwag ka ngang umiyak Bakâ magising ang pusa Pusang mula pa sa siyangi Ngumiyaw at mag-ingay Wala kitang pambugaw Sibat natin ay nabali Itak natin ay nabingaw. |
Hanggang pangingibig, pagtatrabaho, at paglalarawan ng kanilang daigdig. Hitik ito sa talinghaga, gaya ng sumusunod:
| Hanunuo | Filipino |
| Tigday na nawa naw-an Tigdayan sa daramgan Bag-o tigday sa kaywan Siyan nga panmanlangan Sa kiling sa kawayan. | Ang tabak kung bago pa Ikiskis sa hasaan Itaga sa kakahuyan At sakâ ito subukan Sa pagkayas ng kawayan. |
Tula ito hinggil sa edukasyon ng kabataan. Inihambing sa tabak ang mga karanasang kailangang matutuhan at pagdaanan ng kabataan upang higit na maging kapaki-pakinabang sa lipunan.
Sa bundok ng Mt. Dalalo, Batasan, Occidental Mindoro kinapanayam si Purok GEN, isang purok lider ng Hanunuo. Direktang ipinasalin ng mananaliksik ang mga inihandang piling salita sa wikang Hanunuo.
Narito ang mga salitang isinalin sa Filipino.
| Hanunuo- Mangyan | Filipino | English |
| bansay | Ama | father |
| suyong | Ina | mother |
| kagnan | tubig | water |
| labag | bahay | house |
| bu- anay | niyog | coconut |
| duyan | usap | talk |
| pamidkan | mata | eye |
| Famag-ohan | Pag-aani | harvest |
| Famala dam | kasal | wedding |
| Kasaya mo | Mahak kita | I love You |
| Kabiyaon sayo | salamat | Thank you |
| Mga Pagbati | |
| Hanunuo | Filipino |
| Fiya fag marum- marum | Magandang umaga |
| Fiya fag bukngasirang | Magandang tanghali |
| Fiya pag kagabi | Magandang gabi |
| Pagbilang | ||
| Hanunuo- Mangyan | Filipino | English |
| sadi | isa | One |
| dowa | dalawa | Two |
| tolo | tatlo | Three |
| ow fat | apat | four |
| lima | lima | five |
| onom | anim | six |
| fito | pito | seven |
| walo | walo | eight |
| siyam | siyam | nine |
| safolo | sampu | ten |
KABANATA III
DISENYO AT PAMAMARAAN NG PANANALIKSIK
Tinalakay sa kabanatang ito ang disenyo ng pag-aaral at pamamaraang ginamit, instrument sa pagkuha ng datos at paraan ng pagkuha ng datos.
DISENYO NG PAG-AARAL
Ang pananaliksik na ito ay isinagawa ayon sa disenyo ng pamamaraang komparatib. Tinangkang ipaliwanag sa pananaliksik na ito ang pagkakatulad at pagkakaiba ng wikang Hanunuo sa wikang tagalog.
INSTRUMENTO NG PANANALIKSIK
Ang pag-aaral na ito ay isinagawa sa pamamagitan ng pakikipanayam o interbyu at pagsasaliksik ng datos sa internet. Ang mananaliksik ay nagtala ng mga alpabetong ng wikang hanunuo at tagalog.
Sa pamamagitan ng panayam, direktang ipinasalin ang mga inihandang salitang Tagalog ng mananaliksik sa wikang Hanunuo upang malaman at masuri ang pagkakatulad at pagkakaiba ng mga wikang Hanunuo at wikang tagalog.
PARAAN NG PAGKUHA NG DATOS
Ginampanan ng mananaliksik ang pagsasagawa ng mga sumusunod:
Una, nagtala ng mga piling salita ng wikang Tagalog ang mananaliksik.
Pangalawa, pumunta ang mananaliksik sa Mt. Dalao, Batasan, Occidental Mindoro kinapanayam si Purok GEN, isang purok lider ng Hanunuo. Direktang ipinasalin ng mananaliksik ang mga inihandang piling salita sa wikang Hanunuo.
Pangatlo, ang mga nakalap na mga datos ay isinaayos ng mga mananaliksik. Nagsagawa ng pasusuri sa wikang Hanunuo at wikang Tagalog ayon sa pagkakaiba at pagkakatulad ng mga ito.
Panghuli, inihalayhay ng mananaliksik ang resulta ng isinagawang pagsusuri sa pagkakatulad at pagkakaiba sa wikang Hanunuo at wikang Tagalog. Inaasahan ng mananaliksik na makatutulong ito sa pag-aaral ng mga mag-aaral na Hanunuo at Tagalog.
Resulta o Kinalabasan
Sa kabanatang ito, inilahad ang mga nakalap na datos sa isinagawang pakikipagpanayam. Ang mga wikang hanunuo na isinalin sa wikang tagalog nagpapakita ng pagkakaiba ng dalawang wika. Ang wika ng mga Hanunuo ay tinatawag na Surat Mangyan na may labingwalong (18) alpabeto, ang tatlo (3) ay patinig at ang labinlima (15) na may kombinasyon na patinig at katinig. Samantalang ang Filipino ay dalawampu’t walong alpabeto na may limang (5) patinig at dalawampu’t tatlong katinig. Sa pag aaral na ito napag alaman ng mananaliksik na may nag iisang panitikan ang mga Hanuno at ito at tinatawag na Ambahan kung saan ang ambahan ay isang inaawit na katutubong berso ng Hanunuo- Mangyan, Binubuo ng pitong pantig, at nagpapahayag ng saloobin, pananaw, pananaw, at kahulugan na kadalasang nasa damdamin at paraan ng pag- aambahan. Isa rin itong pamamaraan ng pagtuturo ng mga nakatatanda sa nga kabataan tungkol sa buhay at mga pagpapahalaga. Kung mataimtim tayong makikinig sa mga berso ng ambahan, mapapagnilayan natin ang pagpapahalagang Mangyan tungkol sa pamilya, paggalang sa kapaligiran, relasyon, kaisahan ng buhay, at marami pang iba.
Hindi nga marahil kailangan na dalubhasa ka upang tumalab sayo ang kanilang ambahan o mga salita. Kailangan lang na bukas at mulat sa paanyaya ng kaisipan upang sila ay maunawaan at maibukas ang malayang pakikipagtalastasan nang sa gayon at matulungan natin ang mga Hanunuo- Mangyan na mapaunlad pa ang kanilang nalalaman pagdating sa wika.
KONKLUSYON
Batay sa inilahad at sinuring datos, napagtanto ng mga mananaliksik na mayroong pagkakaiba ng wikang Hanunuo at wikang Filipino/Tagalog sa paraan ng pakikipagtalastasan.
REKOMENDASYON
Para sa institusyon, patuloy na suportahan ang mga programa ukol sa paglinang ng wikang katutubo sa Mindoro.
Para sa mga guro, maging bukas ang kanilang mga isipan sa pagsulong ng mga gawain tungo sa pagtuklas sa wikang umiiral sa kapuluan.
Para sa mga mag-aaral na Hanunuo, patuloy na gamitin ang sariling wika sa upang maipalaganap ang pag-usal nito. Piliting matutunan ang wikang tagalog upang patuloy na umunlad ang kaalaman sa wika.
Para sa mga susunod na mananaliksik, ipagpatuloy at palawakin ang pag-aaral na ito. Saliksikin pa ang ibat ibang mahahalagang datos at impormasyon na makatutulong sa pag-aaral na ito.
SANGGUNIAN
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento